House Minority Bloc, kumbinsidong hindi magagamit na ebidensya ang expose ni dating Congressman Zaldy Co kung hindi ito panunumpaan

Para sa grupo ng minorya sa Kamara, matindi ang mga isiniwalat ni dating Congressman Elizaldy Co na nagsasangkot kina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal ng gobyerno sa budget insertions at pagkuha ng kickback sa maanomalyang flood control projects.

Gayunpaman, kumbinsido ang House Minority Bloc na hindi tatayo bilang matibay na ebidensya sa korte ang expose ni Co kung hindi niya ito mapapanumpaan.

Kaya naman, sa statement na inilabas ng minority bloc, kanilang iginiit na bumalik sa Pilipinas si Co at mag-isyu ng sinumpaang salaysay.

Hinihiling din ng mga minority congressmen sa Philippine National Police, gayundin sa Kamara, Senado, at kaukulang ahensya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ni Co sakaling magpasya itong umuwi sa bansa.

Nananawagan din ang House Minority Bloc sa agarang pagsasabatas ng panukalang Independent Commission Against Infrastructure Corruption.

Facebook Comments