Sinang-ayunan ng 22 miyembro ng minority bloc sa House of Representatives ang deriktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na i-adjust ang ayuda sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa kasalukuyang inflation rate.
Para kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan, ang nais ni Pangulong Marcos ay “consistent” sa kanilang rekomendasyon na itaas ang ayuda para sa mahigit apat na milyong benepisaryo ng 4Ps sa buong bansa.
Ayon kay Libanan, una nilang inihain ni 4Ps Party-list Representative Jonathan Clement Abalos II ang House Resolution No. 184 na nagsusulong ng mas mataas na tulong pinansyal para makasabay ang mga mahihirap na pamilya sa tumataas na presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin ni Libanan na kailangang ibalik ng gobyerno sa pamamagitan ng nabanggit na ayuda ang nawalang “purchasing power” o kakayang bumili ng mga 4Ps beneficiaries upang magtagumpay ang layunin ng programa na maibaba ang antas ng kahirapan sa bansa.