Minaliit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa naging pinsala ng Bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela.
Ang pahayag ay ginawa ng grupo bilang reaksyon sa naging pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na climate change at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang sanhi ng massive flood sa Cagayan at Isabela kaya naman ang rerebyuhin ng Kamara ay ang dam protocols upang hindi na maulit ang mapaminsalang baha gaya ng dinulot ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, ang mahalagang dapat na imbestigahan ng Kamara ay ang logging sa mga bundok ng Cagayan at Isabela at ang mapanirang mining na syang sanhi ng pagbaha.
Bagama’t welcome ang imbestigasyon ay nakalulungkot lamang aniya na hindi naman kayang banggain at papanagutin ang mga malalaking contractor at malalaking tao na nasa likod ng illegal mining at illegal logging.
Duda rin ang KMP sa naging pahayag nina Isabela Governor Rodito Albano at Vice Gov. Faustino Dy III na wala nang mining operations at illegal logging sa lalawigan dahil mismong mga residente ang makapagpapatunay na talamak pa rin ang ganitong illegal na aktibidad hanggang ngayon.
Sinabi ng KMP na maituturing na moro-moro lamang ang imbestigasyon ng Kamara kung hindi nito sasakupin sa kanilang House inquiry ang tunay na problema sa mining kabilang na ang black sand mining na talamak sa Cagayan at ang talamak na legal at illegal logging na may permiso pa mismo ng lokal na pamahalaan.