
Naisumite na ng House Prosecution Team sa Clerk of Court ng Senate Impeachment Court ang reply sa Answer Ad Cautelam ni Vice President Sara Duterte bilang tugon sa naunang summon ng korte.
Hinatid ng kinatawan ng prosekusyon ang pleading ng prosekusyon kaninang 1:38 ng hapon.
Nasa 37 pahina ang reply ng prosekusyon na sumasagot sa naging tugon ng bise presidente sa summon ukol sa isinampang articles of impeachment ng Kamara.
Nakasaad sa reply ng prosecution team na ang sagot ni VP Duterte sa summon ng impeachment court ay misleading at walang katotohanan.
Mababasa rin sa unang pahina ng reply na false o hindi totoo ang claim ng depensa na walang nakasampang kaso sa impeachment court dahil ibinalik ang articles of impeachment sa Kamara.
Sa Lunes o sa June 30 pa mabibigyan ng kopya ang mga senador kasama na rito ang mga outgoing at incoming senators.









