House Quad Committee, naglabas ng show cause order laban sa misis ni Atty. Harry Roque

Naglabas ng show cause order ang House Quad Committee para kay Mylah Roque na misis ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Si Misis Roque ay pinagpapaliwanag ng quad committee kung bakit hindi siya dapat i-cite for contempt dahil sa paulit-ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ukol sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Ang pag-iisyu ng show cause order kay ginang Roque ay isinulong ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na inaprubahan agad ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na siyang overall chairman ng quad committee.


Si Mylah Roque ay ilang beses ng inimbitahan ng quad committee para makuhanan ng pahayag ukol sa paglagda nito sa lease agreement sa mga Chinese nationals na konektado sa illegal na POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Ang nabanggit na mga Chinese nationals ay inaresto noong July sa isang bahay sa Benguet na pag-aari ng PH2 na subsidiary naman ng Biancham Holdings ng pamilya Roque.

Facebook Comments