House Quad Committee, nagpasalamat sa pagdalo ni FPRRD sa pagdinig, pero tiniyak na hindi ito papayagan na magmura at gumamit ng mga hindi katanggap-tanggap na salita

Screenshot from House of Representatives

Nagpapatuloy ngayon ang ika-11 pagdinig ng House Quad Committee kung saan dumadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte na may bitbit na tatlong abogado na sina Atty. Martin Delgra, Silvestre Bello III at Salvador Panelo.

Katabi ng dating pangulo si dating Senator Leila de Lima na nakulong sa ilalim ng kanyang administrasyon dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga na naibasura na lahat ng korte.

Ang House Quad Committee sa pangunguna ng overall chairman na si Rep. Robert Ace Barbers ay nagpasalamat sa pagharap ni Duterte at tiniyak na kanilang ibibigay ang kortesiya na nararapat dito bilang dating pangulo ng bansa.


Pero pagtiyak ni Barbers at ni Committee Co-Chairman Rep. Benny Abante, bagama’t nirerespeto nila si Duterte ay mahigpit na ipapatupad ang rules o patakaran sa pagsasagawa ng pagdinig.

Kasama rito ay hindi nila papayagan na magmura ang dating pangulo sa pagdinig at gumamit ng hindi kanais-nais na salita.

Kasama rin ng pangulo si dating Executive Secretary Salvador Medialdea habang present din sa hearing ang pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs na ang ilan ay emosyonal na nagbigay ng maikling mensahe hawak ang larawan ng mga kaanak nilang pinaslang.

Sa pagsisimula ng pagdinig ay nagpakita naman ng video presentation si Quad Comm Co-Chairman Sta. Rosa Laguna Representative Dan Fernandez kung saan ipinakita ang mga pahayag ni Duterte noong ito ay pangulo na nag-uutos sa mga pulis na patayin ang mga sangkot sa iligal na droga.

Kasamang ipinakita ang pag-amin mismo ni Pangulong Duterte na kasalanan niya ang EJK at siya ang may responsibilidad sa mga patayang naganap.

Kasama rin sa video presentation ang pahayag ng ilang nagpakilalang hitman ng Davao Death Squad (DDS) tulad ni Edgar Matobato na nagsabing hobby umano at masaya si dating Pangulong Duterte na pumapatay at magpapatay.

Facebook Comments