Handa si House Speaker Alan Peter Cayetano na bumaba sa puwesto sakaling hindi na siya gusto ng mga kasamahan niya bilang lider ng Kamara.
Ito ang pahayag ni Cayetano kasunod ng umano’y planong patalsikin siya sa posisyon.
Aniya, kung nanaisin ng mga kasamahan niya na magpalit ng liderato ay kusa siyang aalis at hindi niya ipagpipilitan ang sarili niya bilang House Speaker.
Una rito, kinumpirma ni Presidential son at Deputy Speaker Paolo Duterte ang pagpapadala nito ng text message sa mga kongresista hinggil sa banta nitong kudeta sa House leadership dahil sa pagkaladkad sa kanyang pangalan sa isyu ng hindi pantay na alokasyon sa infrastructure projects ng mga distrito.
Nakapag-usap na sina Cayetano at Duterte ukol dito at naayos na ang gusot.
Samantala, mayorya ng mga miyembro ng House of Representatives ang nais na manatili si Cayetano sa posisyon sa kabila ng term-sharing agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa ilalim ng kasunduan, 15 buwan na magsisilbi bilang Speaker si Cayetano hanggang Oktubre at papalitan siya ni Velasco.