House Speaker Alan Peter Cayetano, nagsalita na sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN; NTC at OSG, binanatan!

Binanatan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang National Telecommunication Commission (NTC) at Office of the Solicitor General (OSG) dahil sa aniya’y panghihimasok nito sa kapangyarihan ng Kongreso na magkaloob ng prangkisa.

Ito ang unang beses na nagsalita si Cayetano, ilang araw matapos na magpalabas ng cease and desist order ang NTC laban sa ABS-CBN noong Martes.

Aniya, lumalabas na nagpadala sa pressure at banta ni Solicitor General Jose Calida ang NTC sa kabila ng ibinigay nitong assurance sa Kongreso na pagkakalooban ng provisional authority ang ABS-CBN para patuloy na makapag-operate habang naka-pending ang franchise renewal application nito.


Kasabay nito, iginiit ni Cayetano na hindi dapat sisihin ang Kongreso.

Matatandaang sinisi ng ilang kapwa niya kongresista si Cayetano dahil sa hindi agad pag-aksyon sa isyu ng prangkisa ng broadcast company.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Buhay Party-List Rep. Lito Atienza na hindi NTC ang dapat sisihin dahil Kongreso ang nagkulang, partikular si Cayetano.

Giit naman ni Cayetano, sa simula pa lang ng pamumuno niya sa Kamara ay inilatag na nila ang mga priority measures kabilang ang pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Gayunman, hindi na nakapagtakda ng pagdinig ukol dahil na rin ng ginagawang hakbang ng Kongreso sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Pagtitiyak ni Cayetano, magsasagawa sila ng patas, malalim at komprehensibong pagdinig ukol sa isyu.

Facebook Comments