House Speaker Alvarez, nagpahiwatig ng pagkaudlot ng Barangay at SK Elections sa Oktubre

Manila, Philippines – Nagpahiwatig si House Speaker Pantaleon Alvarez na maaaring hindi na matutuloy ang nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 23, 2017.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na handa ang kanilang hanay kung matutuloy ang Barangay at SK elections.

Sa balitang nakalap ng DZXL, inihayag ni Alvarez na malaki ang pagkakataon na hindi matuloy ang nasabing halalan.


Ito ay makaraang nauna nang nagmungkahi si pangulong Rodrigo Duterte na hindi na matutuloy ang barangay elections.

Si Alvarez ay nanguna sa isinasagawang exposure trip ng humigit kumulang isang daang mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagtungo sa Isabela upang kanilang makita ng personal ang mga kalagayan ng mga infrastructure projects sa hilagang Luzon.

Ang anim na araw na paglalakbay ng mga kongresista ay nagsimula noong araw ng Miyerkules kung saan unang pinuntahan ang Agoo, La-Union at iba pang bahagi ng Ilocos Region.

Matapos magtungo dito sa Isabela ay sumunod na nagtungo ang grupo ng mga kongresista sa lalawigan ng Quirino at ilan pang bahagi ng Northern Luzon.

Ilan lamang sa mga sumamang kongresista sa exposure trip ay sina house Majority Leader Rodolfo Fariñas, Ilocos Sur Representative Eric Singson Rep. Reynaldo Umali, Rep. Lucy Torres Gomez at maraming iba pa.

Sakay ang mga mambabatas sa 30 Sports Utility Vehicle (SUV) at apat na bus na umiikot ngayon sa hilagang Luzon.
DZXL558

Facebook Comments