House Speaker Cayetano, iginiit na hindi nangialam si Pangulong Duterte sa franchise issue ng ABS-CBN

Nanindigan si House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nanghimasok si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Ito ang tugon ng lider ng Kamara sa mga akusasyon ng Makabayan Bloc na dinidiktahan umano ng Pangulo ang Kongreso sa kung ano ang magiging aksyon nito sa franchise application ng network.

Ayon kay Cayetano, kung mayroon man nais ang Pangulo hinggil sa legislative franchise ay ang matiyak na patas na pagdedesisyunan ito ng Kongreso.


Aniya, iginagalang ni Pangulong Duterte ang pagiging co-equal branch ng Kongreso.

Sinabi ni Cayetano na patuloy na magsasagawa ng pagdinig ang House panel hanggang sa mapakinggan ang lahat ng panig.

Umaasa siya na makakapagsumite ang House panel ng rekomendasyon sa Agosto.

Nitong Miyerkules, binawi ni Cayetano ang House Bill No. 6732 o nagbibigay ng limang buwang provisional legislative franchise sa ABS-CBN at sa halip ay tututukan ang deliberasyon para sa mga nakabinbing panukal para sa pagbibigay ng 25-year franchise sa network.

Kaugnay nito, ang House Committee on Legislative Franchise na pinamumunuan ni Palawan Representative Franz Alvarez ay magsasagawa ng virtual meeting sa Martes, May 26, 2020.

Facebook Comments