Manila, Philippines – Inabsuwelto ng Pasay City Regional Trial Court sa kasong electoral sabotage si Dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sa desisyon ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas, kinatigan nito ang “demurrer to evidence” na inihain ni Arroyo na humihiling na mabasura ang kaso laban sa kanya dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Nag-ugat ang kaso sa sinasabing malawakang dayaan sa eleksyon nuong 2007 sa Maguindanao.
Inaakusahan si Arroyo na sangkot sa dayaan nang tawagan daw nito si Dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Senior para tiyakin ang “12-0” na panalo pabor sa mga kandidato sa pagka-senador ng Team Unity ng administrasyon.
Kumbinsido ang Pasay RTC na bigo ang prosekusyon na magprisinta ng sapat na ebidensya na magdidiin kay Arroyo.
ipinasasauli rin ng korte kay Arroyo ang isang milyong pisong pyansa na kanyang inilagak para sa kanyang pansamantalang kalayaan.