Kinalampag ng ilang mga kongresista na ilabas na ng mga House leaders ang kopya ng kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) dahil sa umano’y conflict of interest sa ilang mga negosyo.
Isa lamang sa mga gustong masilip ang SALN ay kay House Speaker Lord Allan Velasco matapos na maiulat na may shares ito sa San Miguel Corp. base na rin sa report mismo ng kompanya noong 2017 kung saan nasa top 100 stockholders ito.
Mayroon ding 2% shares sa Petron Corp. ang Speaker base na rin sa annual report noong 2016 kung saan isa nang kongresista si Velasco.
Matatandaang hinamon ng mga kongresista sa Makabayan ang mga kapwa mambabatas na isapubliko na rin ang kanilang SALN alinsunod na rin sa itinatakda sa Republic Act 6713 o An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Giit dito ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, dapat ang mga nasa public service ay may transparency at accountability para mailantad na wala itong tinatago.