
Mismong si House Speaker Martin Romualdez na ang pumalag sa mga isiniwalat ng mga Discaya kaugnay sa isyu ng pangungumisyon sa mga proyekto ng gobyerno.
Reaksyon ito ni Romualdez sa affidavit ng mga Discaya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Binanggit ng mga Discaya ang pangalan ni Romualdez kaugnay sa alegasyon ng pangongomisyon sa mga flood control project.
Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na malisyoso at name dropping ang nakasaaad sa affidavit ng mga Discaya kaugnay sa umanoy pangongomisyon niya sa mga proyekto ng gobyerno.
Wala aniya siyang basbas kung mayroon man umanong gumagawa ng ganitong matiwaling gawain at kung mayroon man umanong gumamit ng kaniyang pangalan ay sila dapat ang managot sa batas.
Nanawagan ang House Speaker ng kahinahunan sa gitna ng mga isyu sa paggamit ng pondo.
Aniya, hindi ito ang panahon para magsisihan kundi magtulungan upang matiyak na ang pondo na mapagtitibay ay transparent at tunay na sumasalamin sa pangangailangan ng taumbayan.









