Naniniwala si House Speaker Lord Allan Velasco na malaking tulong ang ginawang pag-endorso sa kaniya ni Davao City Mayor Sara Duterte at ng partido nito na Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Ayon kay Velasco, malakas ang naging impluwensiya ni Mayor Sara sa mga kaalyado nitong kongresista kung kaya’t siya ang naupong House Speaker.
Itinanggi naman niya ang mga haka-haka na gumawa ng hakbang ang alkalde para matuloy ang pinag-usapang term-sharing deal sa pagitan niya at ni Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano.
Samantala, nagpaliwanag naman si Velasco sa kahilingan ni Cayetano na huwag palitan ang mga nakaupo sa mga komite sa Kamara bilang pagpapakita ng “palabra de honor”.
Sinabi ni Velasco na hindi naman nakasaad sa usapan o sa term-sharing deal ang pagpapalit sa mga committee chairmanships kung saan si Cayetano ang unang sumira sa usapan kaya’t wala nang dahilan pa para sumunod siya dito.
Matatandaan na ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod ng mga naririnig niyang balita na may ilang kaalyado si Velasco na kinakausap ang ilang kongresista para palitan ang ilang chairman ng komite kung saan ang iba sa mga kaalyado ng nakaupong Speaker ay kinukuha na pati ang kanilang opisina.