Umarangkada na ang house-to-house campaign ng volunteers at supporters ni Vice President Leni Robredo nitong weekend na layong abutin at kausapin ang mga tao na iboto si Robredo bilang pangulo sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
tinawag na ‘tao sa tao’ ang house-to-house campaign kung saan magbabahay-bahay ang volunteers.
Sa kanilang pakikipag-usap sa mga tao, layon ng mga nagkakampanya na ipaalam sa mga tao kung bakit karapat-dapat ihalal sina Robredo at ang kaniyang buong tiket.
Kabilang dito ang paglatag ng mga plataporma at track record ni Robredo sa pagbibigay
tulong sa mga tao sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
Kamakailan ay hinikayat ni Robredo ang kaniyang supporters na mag-ikot, magbahay-bahay at mangumbinsi pa ng kanilang mga kaibigan, kakilala at kamag-anak sa nalalabing mga araw ng pangangampanya.
pinangunahan ng mga anak ni robredo na sina Aika at Tricia ang “tao sa tao” sa paglilibot sa mga komunidad at pakikipag-usap sa mga tao.
Si Aika Robredo ay nangampanya kasama ang artista na si Marjorie Baretto sa Quezon City.
Si Dra. Tricia Robredo ay nagtungo naman sa mga komunidad sa Cavite.
Ayon kay Aika, hindi na bago sa kanila ang paglilibot sa mga komunidad dahil kahit noon pang ang ama nila na si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jessie Robredo ang tumatakbo bilang mayor ng Naga ay madalas na nila itong gawin.
Ilang celebrities din ang nag-house-to-house tulad ni Agot Isidro, Angel Locsin at asawa nitong si Neil Arce.
Para kay Agot Isidro, mas inklusibo ang paraan ng house-to-house campaign dahil naipapaliwanag sa mga ordinaryong mamamayan na sila ang makikinabang sa adbokasiya ni Robredo na “gobyernong tapat, angat buhay lahat” sakaling mahalal na presidente.