Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpatupad ng offsite payout system para sa mga estudyanteng hindi makapagparehistro online para sa educational assistance ng ahensya dahil sa kawalan ng access sa gadget o internet.
Sabi ni DSWD spokesperson Romel Lopez, gagawa sila ng specific guidelines para sa house-to-house distribution ng ayuda na maaaring gawin sa tulong ng mga local government unit.
Noong sabado, ilang walk-in sa payout area sa Romblon ang nagreklamong hindi makapagparehistro online para makakuha sa cash aid dahil sa kawalan ng gadget at mahinang internet.
Samantala, sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni DSWD secretary Erwin Tulfo na plano rin nilang magdagdag ng payout centers sa ilang lugar sa bansa para mas maraming students-in-crisis ang mabigyan ng tulong.
Kaugnay nito, magpupulong muli ang ahensya para plantsahin pang lalo ang sistema ng pamamahagi ng ayuda gayundin sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Florita.