Tinawag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na fake news at isang uri ng disinformation campaign ang kumalat na pagpapatupad ng house- to -house search ng mga pulis at militar.
Ayon kay Secretary Eduardo Año, may ilang grupo ang gustong lumikha ng takot at siraan ang COVID-19 efforts ng gobyerno.
Aniya, hindi isang bagay na dapat ikatakot ang paglilipat ng mga COVID-19 patients sa mga Ligtas Centers.
Aniya, kapag nasa COVID-19 Ligtas Centers ang mga pasyente ay mas mababantayan at maaalagaan sila maliban sa mapapaliit ang tsansa na maikalat ang virus sa kanilang pamilya.
Mas pabor pa aniya ito sa pasyente dahil kumpleto ang pasilidad at lahat ng kaniyang mga pangangailangan katulad ng pagkain.
Dagdag ni Año, tungkulin ito ng pamahalaan para matalo ang virus.
Naaayon din ito sa batas na pamamaraan upang protektahan ang mga mamamayan ngayong panahon ng krisis.
Apela ng DILG sa publiko, makipagtulungan sa gobyerno dahil ang kapakanan at kalusugan ng buong komunidad na ang nakasalalay.