Hiniling ni BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co sa gobyerno na ipaubaya sa healthcare frontliners ng mga Local Government Unit (LGU) at mga barangay ang pagsasagawa ng house-to-house search sa mga asymptomatic COVID-19 patient.
Kasunod ito ng pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año na magbabahay-bahay ang mga pulis at mga kinatawan ng LGU para hanapin ang mga pasyenteng naka-home quarantine upang mailipat sa isolation facilities.
Paalala ng kongresista, hindi sakop ng mandato ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap, pag-screen at pagdadala ng mga pasyente sa mga isolation at treatment facilities kundi ito ay trabaho ng LGU quarantine teams at mga barangay health worker.
Wala rin aniyang pagsasanay at expertise sa ganitong papel ang mga pulis.
Sa halip, inirekomenda ni Co na gawing support system ang mga pulis kung kakailanganin partikular sa crowd control, peacekeeping at kaligtasan ng mga healthcare frontliner.
Iminungkahi ng kongresista na kung isasama ang mga pulis sa paghahanap ng mga asymptomatic patient ay huwag silang magdala ng armas o sumakay sa armored vehicles kundi magdala lamang ang mga ito ng face shields, face masks at tanging baton lamang ang dapat na bitbit sakaling kailanganin na pakalmahin ang sitwasyon.
Umapela rin si Co na mabigyan ng Personal Protective Equipment (PPE), mabakunahan ng anti-flu at bigyan ng hazard pay ang mga frontliner lalo na ang mga barangay healthcare worker na sasabak sa house-to-house search sa mga COVID-19 patient.