House-to-house search sa mga pasyenteng may COVID-19, pangungunahan ng mga local health official at hindi ng mga pulis

Pangungunahan ng mga local health official ang gagawing house-to-house search ng pamahalaan para sa mga pasyenteng may mild at asymptomatic cases ng COVID-19.

Ito ang nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año kasunod ng mga pangamba ng ilang grupo na posibleng magdulot ng takot sa publiko ang pagsama ng mga pulis sa house-to-house search na inihalintulad pa ng iba sa Oplan Tokhang.

Giit ng kalihim, aasistihan lang ng mga pulis ang local government officials at health personnel para masigurong magiging maayos ang paglilipat sa mga pasyente sa mga isolation facility.


Gagawin lang din aniya ang house-to-house search sa mga lugar na may surge ng COVID-19 at nakasailalim sa localized lockdown na una na nilang sinimulan sa Navotas at Malabon.

Hindi rin police cars kundi ambulansya ang gagamitin sa pagsundo sa mga pasyente.

Dagdag pa ni Año, naaayon ito sa Republic Act 11332 O “An Act Providing Policies and Prescribing Procedures on Surveillance and Response to Notifiable Diseases, Epidemics and Health Events of Public Health Concern.”

Iginiit naman ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi anti-poor ang nasabing hakbang.

Layon aniya nito na mapigilang kumalat ang COVID-19 sa mga lugar na “ill-equipped” o walang kahandaan para sa home quarantine.

Facebook Comments