House-to-house, street-by-street, at mobile vax vehicles, inirekomendang gawin para sa senior citizens

Muling umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes sa pamahalaan na ikonsidera na mailapit nang husto sa senior citizens ang vaccination program ng pamahalaan.

Aminado ang kongresista na dahil sa limitadong suplay ng bakuna ay tanging mga matatanda kasama ang companion o caregiver nito ang nababakunahan sa mga vaccination center.

Hiniling ni Ordanes na ikonsidera ng gobyerno ang house-to-house, street-by-street o kaya ay mobile vaccination vehicles upang mailapit ang bakunahan sa mga lolo at lola at hindi na kakailanganin pang lumabas ng bahay.


Inihirit ng kinatawan ng senior citizens na gawin agad ito sa oras na tumaas ang suplay ng COVID-19 vaccines ngayong Oktubre.

Pinata-target naman ni Ordanes sa pamahalaan ang mga lugar na itinuturing na “hotspots” o may mataas na kaso ng COVID-19.

Dahil kapos pa rin ang suplay ng bakuna, iminungkahi ni Ordanes na ilaan ang AstraZeneca, Sputnik o Janssen (J&J) para sa seniors habang ang Pfizer o Moderna naman ang para sa lumalabas na nagtatrabahong miyembro ng pamilya at Sinovac o Sinopharm naman sa iba pang kapamilya na may edad 18 pataas pero ito’y depende pa rin sa medical screening at risk assessment ng mga doktor.

Facebook Comments