Buo ang suporta ni Senator Nancy Binay sa mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) na magsagawa ng house-to-house vaccination drive lalo na sa mga probinsya.
Ayon kay Binay, sa halip na masayang at mag-expire ang mga COVID-19 vaccine ay dapat proactive tayo para lalo pang mailapit ang bakuna sa komunidad.
Diin ni Binay, hindi biro ang ginastos ng pamahalaan para lang magkaroon tayo ng supply ng bakuna.
Dahil dito ay pinayuhan ni Binay ang gobyerno na baguhin ang estratehiya para malabanan ang vaccine hesitancy o pag-aatubili na magpabakuna.
Dagdag pa ni Binay, unahin ngayong bakunahan ang mga naka-schedule for boosters para fully covered at protektado na sila laban sa virus.
Una rito ay inihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III, na aabot sa 27 million doses ng COVID-19 vaccine ang mag-i-expire sa loob ng tatlong buwan kapag hindi nagamit.