Nanawagan si Senadora Cynthia Villar sa Department of Foreign Affairs (DFA) na iparehistro ang lahat ng household staff ng mga Filipino diplomats sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at tiyakin ang kanilang membership sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA).
Layunin ng mungkahi ni Villar na matiyak ang mas maayos na proteksiyon sa lahat ng domestic worker kasunod ng diumano’y pagmaltrato sa isang Pilipinang domestic worker na dinala sa Brazil ni Philippine Ambassador Marichu Mauro.
Nang magsaliksik ang tanggapan ni Villar sa POEA at OWWA, nadiskubre nitong walang record ng employment sa naturang dalawang ahensiya ang domestic worker ni Ambassador Mauro.
Ayon kay Villar, hindi na kailangang gumawa ng batas para i-institutionalize ang iminumungkahi niyang sistema dahil wala namang pribadong recruitment at ahensiyang sangkot dahil pareho namang Pilipino ang employer at manggagawa.
Kaugnay nito ay pinuri naman ni Villar ang Office of the President sa mabilis na aksiyon matapos atasan agad ang Department of Foreign Affairs na imbestigahan ang diumano’y pagmaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay.