Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gumamit ng thermal cameras para sa panghuhuli nila sa mga motoristang lumalabag sa High Occupancy Vehicle (HOV) lane sa EDSA.
Ayon kay MMDA Asst/General Manager for Planning Jojo Garcia, tiyak aniya na sa pamamagitan ng thermal camera, makikita na ng mga traffic enforcers kung ilan ang laman ng isang sasakyan kahit pa ito ay heavily tinted.
Maliban diyan, sinabi pa ni Garcia na magagamit din ang mga thermal cameras para matiyak kung sumusunod ang mga motorista sa HOV lane policy kahit walang mga enforcers.
Umaasa naman si Garcia na mapaglalaanan ng pondo ang nasabing proyekto pero tumanggi muna itong magbigay ng timeline hinggil sa gagawing proseso sa pagbili ng mga thermal camera.