Kinalampag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC) na siyang independent advisory council ng Department of Health (DOH).
Sabi ni Garin, ang mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Universal Health Care Act, ay magbigay ng abiso sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions.
Pero ang problema, ayon kay Garin, ang mabagal na desisyon o aksyon ng HTAC Core Committee ang dahilan kaya inabutan na ng pagka-expire ang mga bakuna kung saan 31 milyon dito ang nasayang na nagkakahalaga ng 15 billion pesos.
Para kay Garin, masalimuot na katotohan sa Pilipinas na ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan muna sa HTAC na sa ilang pagkakataon ay nararapat, subalit may ilang sitwasyon na masyadong matagal ang rekomendasyon na sa bandang huli ay nawawalan na ng bisa tulad ng mga nasayang na COVID vaccine.
Bunsod nito ay bukas si Garin na maghain ng panukala para maamyendahan ang ilang probisyon sa batas na nagbibigay ng masyadong kapangyarihan sa HTAC na dapat malimitahan upang maiwasan na humantong sa problema tulad ng pagkasira ng milyon-milyong bakuna laban sa COVID-19.