HTAC, pumalag sa alegasyon sila ang dahilan kaya na-expire at nasayang ang P5.1 billion na halaga ng COVID-19 vaccine

Pumalag ngayon ang Health Technology Assessment Council (HTAC) hinggil sa alegasyong dinelay nila ang pagpapalabas ng rekomendasyon sa anti-COVID-19 booster shots na naging dahilan para masayang ang aabot sa P5.1 billion na halaga ng bakuna.

Sa inilabas na pahayag ng HTAC, binigyang-diin nila na wala silang dinelay na vaccination rollout.

Sa katunayan aniya ay agad silang kumilos para sa pagpapalabas ng rekomendasyon sa first booster doses noong November 03, 2021 at sinundan din agad ng second boosters shot noong April 28, 2022


Punto ng HTAC, posibleng ang mababang vaccination rate ng “first boosters” ang dahilan ng pagkaka-expire ng P5.1 billion na halaga ng bakuna.

Una nang sinabi ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship at Advisory Council of Expert (ACE) member Joey Concepcion na hindi makapagsimula ang private sector ng pagtuturok ng booster dose dahil delay ang approval ng HTAC sa second booster vaccination ng mga pinoy edad 50-pataas at mga may comorbidity.

Pero, giit ng HTAC, ang inilalabas na rekomendasyon ay ibinabase nila sa scientific evidence.

Noong Miyerkules, inihayag ni Concepcion na 3.6 million doses ng Moderna vaccines na kanilang binili ang na-expired na noong July 27 habang nasa 623,000 doses ng AstraZeneca naman ang ma-e-expire na rin sa linggo, July 31.

Ito ay may kabuuang 4.2 million vaccines na nagkakahalaga ng P5.1 billion.

Bunsod nito, nanawagan si Concepcion kay Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng reporma sa pamamahala ng mga COVID-19 vaccines.

Facebook Comments