Hubad na lalaking naka-droga, nangagat ng K9 dog

Stock photo

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang lalaki sa Florida, US matapos manakit ng opisyal at mangagat ng K9 dog habang nakahubad at nasa impluwensya ng shabu, noong Sabado.

Naaresto si Donald Watts, 38, matapos rumesponde ang Columbia County Sheriff’s Office sa tawag na mayroong gumagamit ng shabu sa SE Brawley Terrace, High Springs, ayon sa ulat ng FOX30.

Habang nasa eksena, nakatanggap ng sumunod na tawag mula sa isa pang residente sa lugar tungkol sa kahina-hinalang lalaking may dalang flashlight sa kanilang bakuran.


Habang sinisiyasat ang bakuran, nakaririnig umano ng kakaibang ingay ang pulisya hanggang sa makita si Watts na nakahubad, marumi ang katawan, at nakahiga sa mababaw na tubigan.

Nagpalakad-lakad din daw ito habang ginagaya ang huni ng ibon.

Nang aarestuhin na, sinapak umano ni Watts ang isang pulis dahilan para gamitan siya ng Taser, ngunit bigo pa rin.

Naghintay ng K9 unit ang awtoridad bago muling habulin si Watts na nadatnan naman nilang nakaluhod at umuungol umano sa kakahuyan.

Nang utusan ang K9 dog na si Casper na hulihin ang suspek, tumalon din umano si Watts, hinila ang ulo ng aso at saka ito kinagat sa tainga.

Nakawala rin ang aso at kinagat sa ulo ang salarin.

Dinala sa ospital si Watts bago ilipat sa kulungan at patawan ng piyansang $37,000 (higit P1 milyon).

Facebook Comments