Humirit ang Hudikatura na itaas sa P200 million ang pondo ng marshals o iyong mga magbibigay ng proteksyon sa mga opisyal at tauhan sa Judiciary.
Sa budget hearing ng Senate Committee on Finance para sa panukalang budget ng Hudikatura, sinabi ni Court Administrator Raul Villanueva na P50 million lang ang alokasyon sa pagkuha ng marshals sa ilalim ng 2024 budget.
Kukulangin ang nasabing pondo dahil ang talagang kailangan nila para sa 2,700 na korte sa buong bansa ay nasa 5,000 na judiciary marshals.
Pero kung P200 million ang ibibigay na pondo ay maaari na silang makakuha ng paunang 1,000 security personnel para sa Office of the Judiciary Marshals.
Ang pagkuha ng marshal para sa pagbibigay seguridad sa mga mahistrado, huwes, mga tauhan at mga ari-arian ng hudikatura ay salig sa Republic Act 11691.
Samantala, inaprubahan din ng komite ang P57.79 billion na panukalang budget ng Judiciary sa 2024 na mas mataas ng 5.26 percent kumpara sa budget ngayong taon na nasa P54.9 billion.