Manila, Philippines – Tuloy pa rin ang panghuhuli ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga tricycle na babagtas sa Katipunan road.
Ito ay sa kabila na nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng Quezon City local government at MMDA.
Pero, nilinaw ni MMDA Chief for Operation Bong Nebrija na titigilan lamang nila ang panghuhuli sa mga tricycle na dadaan ng main road ng Katipunan kung makakapagbigay ng sulat ang Quezon City government na mayroon na silang ginagawang pagtutuwid sa usapin.
Alinsunod sa napag-usapan, papayagan na dumaan ang mga tricycle kung ito ay babagtas sa gilid lamang at hindi lalabag sa traffic rules.
Nilinaw naman ni Vice Mayor Joy Belmonte na may exception lamang na dumaan sa main road ang mga tricycle kung walang ibang alternatibong dadaanan.
Dahil sa isyu ng safety ng mga mananakay, muling pag-aaralan ang mga ruta ng mg tricycle na umiwas ng dumaan sa main road ang mga ito.
Iminungkahi din ni Belmonte na kung walang alternatibong dadaanan, maaring maglagay na lamang ng tricycle lane para magsakay at magbaba ng mga estudyante malapit sa kanilang paaralan.
Nag-ugat ang usapin ng magsimulang manghuli ng mga dumaraang tricycle sa main road ng katipunan ang MMDA at LTFRB matapos na makita nilang naghahatid ng mga estudyante ang mga ito.