Sinampahan ng kasong administratibo sa Korte Suprema ang isang hukom mula sa Gapan City, Nueva Ecija.
Kasunod ito ng alegasyon ng ilegal na pagtatanggal sa puwesto kay dating Jaen Mayor Sylvia Austria at ipinalit ang kanyang katunggali na si Antonio Esquivel.
Batay sa 59-pahinang Verified Complaint sa Office of the Court Administrator, pinagharap si Judge Angelo Perez ng Gapan City Regional Trial Court ng mga kasong gross misconduct, gross incompetence, at gross ignorance of the law.
Nag-ugat ito sa pinalabas na writ of execution ni Perez noong December 7, 2020 laban kay Austria.
Una kasing ipinawalang-bisa ni Perez ang proklamasyon ni Austria bilang winner noong 2019 mayoral race sa bayan ng Jaen at Naging dahilan ito para maalis siya sa puwesto habang agad namang nanumpa si Esquivel.
Iginiit ni Austria na ang ipinagtataka niya ay kung bakit pinayagan ni Perez ang pagpapalipat sa ballot boxes at election materials nang walang abiso mula sa kanya bilang complainant.
Binigyang diin pa ni Austria na napagkaitan siya ng karapatan sa tamang proseso ng batas nang magpalabas ng writ of execution ang hukom.
Una rito, nagsampa si Austria ng restraining petition sa Commission on Elections pero kinapos ito ng panahon kaya’t hindi siya napagbigyan.
Humirit din siya ng injunction order sa second division ng poll body pero bigo rin ito.