Bulacan – Naaresto sa isinagawang operasyon ng PNP Counter Intelligence
Task Force at PNP Anti-Cyber Crime Group ang apat na pulis at isang sundalo
dahil sa pag-o-operate ng illegal online cockfighting sa Baliwag Bulacan.
Ayon kay Chief Inspector Jewel Nicanor ang tagapagsalita ng PNP CITF, alas
9:45 kagabi ng maaresto ang mga ito matapos magsagawa ng law enforcement
operation ang mga tauhan ng CITF at ACG sa isang restaurant sa Baliwag,
Bulacan.
Kinilala ang mga naarestong pulis na sina P03 Nolasco Bernardo Juan,
nakatalaga sa Camp Olivas, P01 Jestoni Gonzales Fuentebella, nakatalaga sa
Provincial Mobile Force Company Bulacan, P01 Jeffrey Mateo, nakatalaga sa
Angat Municipal Police Station, P01 Emmanuel Leonardo, na taong 2011 pa
natanggal sa serbisyo.
Habang ang isang sundalo ay kinilalang si Private First Class Enrique
Quinaquin Jr., miyembro ng Philippine Army.
Naaresto rin ang ilang sibilyan na nagsisilbi namang tagapag-pataya at
operators ng illegal online cockfighting.
Iniimbestigahan na rin ngayon ng PNP ACG ang may-ari ng online sabungan na
si kinilalang si Enecito Dahan Payapaya.
Batay naman sa rekord ng PNP CITF umaabot na sa 150 indibidwal ang kanilang
naaresto dahil sa pag-o-operate ng illegal online cockfighting.
Kinabibilangan ito ng apat na pulis, isang sundalo, anim na Local
Government Official at 139 na mga sibilyan.