HULI | Isa sa mga suspek na nagnakaw sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, naaresto na

Parañaque City – Naaresto na ang isa sa mga suspek sa pagnanakaw sa isang mausoleo sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Ayon kay Senior Inspector Jerry Sunga ng Parañaque Police, dating caretaker ng sementeryo ang suspek na nakilalang si Dionisio Layson.

Pero depensa ng suspek, lumapit lamang sa kaniya ang dalawang kakilala para ipabenta ang gold-plated na urna sa isang junk shop sa Las Piñas.


Ibinenta aniya sa kaniya ang urna sa halagang P1,900 bago pa man ito maipalabas sa telebisyon na nakaw pala.

Dagdag niya, inutusan din siya ng dalawang suspek na magnakaw ng abo sa sementeryo para ipalit sa inalis na abo sa ninakaw na urna.

Una nang napabalitang nitong Marso 4 ang pagkawala ng urna sa mausoleo na naglalaman ng abo ng negosyanteng si maria cruz na natagpuang patay sa loob ng isang maleta sa Amerika noong 2004.

Nahaharap na sa kasong robbery ang suspek habang patuloy na tinutugis ang dalawa nitong kasamahan.

Facebook Comments