Manila, Philippines – Umaasa si PNP-Directorate for Operations Chief Director Camilo Cascolan na mababago ang hatol kay Supt. Adrian Antonio, ang pulis na naaresto dahil sa paglalaro sa casino sa Parañaque City noong Martes.
Ayon kay Cascolan, isang mahusay na police officer si Antonio at nagkataon lang nahuli ito dahil sa paglalaro sa casino.
Katunayan aniya, walang anumang record ng pagsusugal ang pulis, simpleng-simple at masipag sa trabaho.
Pero ayon kay NCRPO Dir. Oscar Albayalde, inamin ni antonio na naadik siya sa sugal mula noong 2011.
Kasalukuyang nakakulong sa Southern Police District si Antonio na posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Article 231 ng Revised Penal Code at Section 2 ng R.A. 6713 O Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Maaari rin siyang paharapin sa kasong palabag sa Presidential Decree 1067-B na mahigpit na nagbabawal sa sinumang opisyal at empleyado ng gobyerno na maglaro o pumasok sa casino.
Gayunman, sinabi ni Cascolan na hindi nila kukunsintihin ang sinumang pulis na lalabag sa kautusan ng pangulo.