Quezon City – Kalaboso ang isang Romanian national matapos magpapalit ng pekeng pera sa magkakaibang money changer na iisa pala ang may-ari sa Quezon City at Mandaluyong.
Kinilala ang suspek na si Mihai Simeon, 28 anyos, isang Engineer sa Romania.
Ayon kay Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, noong January 1 unang nagpapalit ng pekeng 1100 euro patunong pesos ang suspek sa isang money changer sa Timog, Quezon City.
Nasundan ito ng dalawang iba pa at umabot na sa mahigit P200,000 ang halaga ng pekeng pera ang naipalit nito — kaya’t dumulog na sa pulisya ang mga empleyado ng money changer.
Ayon sa mga empleyadong sina Benjon Inglay at Adbul Malic, hindi nila pinagduduhan ang suspek dahil kalmado ito at nakikipagkwentuhan pa sa kanila.
Giit ng complainants, nakitang peke ang pera sa tulong ng money detector at dahil hindi embedded ang print ng euro na ipinapapalit ng suspek.
Inamin naman ni Simeon na peke ang mga pera at sinabing naeengganyo lamang siya ng isang British client na nangakong bibigyan siya ng trabaho dito sa Pilipinas.
Giit ni Simeon, una siyang naaresto sa Pasay noong December 17, 2017 pero kalauna’y pinalaya rin siya.
Mahaharap sa kasong estafa at swindling ang suspek habang nakikipag-ugnayan na ang QCPD sa Romanian government ukol sa kaso ni Simeon.