Huli sa camera: Thai tourist dinukutan ng mga kawatang todo-postura sa London

Screenshot via Youtube/Viral Press

Nasapul sa camera ang pagnanakaw ng tatlong magagandang babae sa isang Thai tourist sa London, United Kingdom noong Hunyo 16.

Naganap ang insidente habang nagiikot ang magkaibigang Nina Spencer, 51, at Toi McGurran, 51, sa Cambridge Circus papuntang Palace Theater.

Nagunlatang si McGurran nang madiskubre nawawala ang kanyang Louis Vuitton wallet na may lamang mga credit card at 400 UK pounds o mahigit 25,000 pesos.


Sa pagbabakasakaling mahuli ang suspek, pinanood ng dalawa ang kuhang video at laking gulat nang makitang mga babaeng todo-postura sa kanilang likod ang tumangay ng wallet.

Screenshot via Youtube/Viral Press

Sa screenshot, mapapansin nakatingin ang kawatang nakasuot ng black jumper at black sunglasses sa balikat ni Nina habang sinisipat ng isa pang babaeng may hawak na cellphone na hawak at suot na black leather jacket ang bag ni Toi.

 

Screenshot via Youtube/Viral Press

Kasabay nito, tinakpan ng salaring may sunglasses ng itim na paperbag ang kamay ng kasamahang magnanakaw para hindi mahuling ginagalaw ang bag ng biktima.

Dahan-dahan dinukot ng babaeng nakabihis ng black leather jacket ang pitaka nang hindi napapansin ng dalawa.

Kasama ang ikatlong kasabwat na meron kulay asul na sunglasses at orange na jacket, agad nilang itinago ang pitaka at mabilisang umeskapo sa lugar.

Ipinagbigay-alam nila sa awtoridad ang krimen pero hindi na naibalik ang wallet. Hindi rin natukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong mandurukot.

Sa pamamagitan ng social media, gusto ibahagi ng magkaibigan sa publiko ang naging karanasan para mas maging alerto tuwing dumadayo sa ibang bansa.

Umabot na sa mahigit 1.4 million views sa Youtube ang krimen ng tatlong mandurukot.

Panoorin ang kabuuang video:

Facebook Comments