Cauayan City – Maayos ang naging sitwasyon sa naganap na huling araw ng voter’s registration sa Comelec Cauayan kahapon, ika-30 ng Setyembre.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan City, bagama’t nakararanas ng mga pag-ulan ay marami pa ring residente ng lungsod ng Cauayan ang humabol at nagtungo sa kanilang tanggapan upang samantalahin na irehistro ang kanilang mga sarili sa pagboto.
Ayon kay Atty. Vallejo, dahil sa paghihikayat nila sa publiko na huwag ng hintayin ang huling araw ng pagre-rehistro ay mas kakaunti na lamang ang humabol kahapon kaya naman naging mabilis at maayos ang naging proseso ng kanilang registration.
Sinabi rin nito na malaki ang naitulong ng isinagawa nilang Sattelite Registrations sa mga barangay sa lungsod upang mas mapadali ang pagre-rehistro ng mga residente.
Samantala, posibleng ngayong darating na buwan ng oktubre ay ilalabas ang kabuoang bilang ng mga registered voters sa lungsod ng Cauayan.