Kukunin na ng Pilipinas ang ikalawang batch ng donasyong Sinovac vaccines ng China.
Mamayang gabi, lilipad ang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na B777 para kunin ang karagdagang 400,000 doses ng Sinovac vaccines na inaasahan namang darating sa bansa alas-7:30 ng umaga bukas.
Ang PAL ang kauna-unahang local flag carrier na kukuha at mag-uuwi ng mga bakuna para sa bansa.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Treatment Czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega na ito na ang huling batch ng donasyong COVID-19 vaccine ng China.
Habang sa March 29, darating sa bansa ang 1 million doses ng Sinovac vaccines na binili ng gobyerno.
Sa pagitan naman ng March 24 hanggang 26, inaasahang ipadadala sa bansa ang nasa 979,000 doses ng AstraZeneca vaccines.
Umaasa si Vega na maaabot ng bansa ang target nitong mabakunahan maski ang 20% hanggang 30% ng populasyon ng bansa sa pagtatapos ng 2021.