Huling yugto ng umento sa sweldo ng mga kawani ng gobyerno, epektibo ngayong Enero ng taong kasalukuyan

Epektibo na ngayong Enero ng 2023 ang huling yugto ng umento sa sweldo ng mga kawani ng gobyerno batay na rin sa Republic Act 11466 o Salary Standardization Law of 2019 o SSL V series of 2020.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, umaasa siyang ang huling yugto ng taas sweldo ay makakatulong sa impact ng inflation.

Kaugnay nito, pinirmahan na ni Pangandaman ang dalawang magkahiwalay na budget circulars para sa pagpapatupad ng fourth tranche ng salary schedule para sa civilian personnel at mga kawani ng Local Government Units.


Saklaw ng SSL V ang lahat ng posisyon para sa civilian personnel regular man, casual o contractual, appointive o elective, full time o part time, sa sangay ng ehekutibo, lehislatura, at hudikatura, constitutional commissions at iba pang tanggapan, state universities and colleges, at government owned and controlled corporations na hindi saklaw ng RA 10149.

Epektibo rin ang SSL V sa lahat ng posisyon para sa mga personnel ng LGUs, at barangay personnel na binabayaran ng buwanang honoraria.

Hindi naman kasali sa huling yugto ng umento sa sweldo ang mga kawani na walang employer-employee relationship at pinopondohan ng personnel services appropriations, gayundin ang mga sundalo at uniformed personnel, Government Owned and/or Controlled Corporations (GOCCS) sa ilalim ng RA 10149, at mga indibidwal na ang serbisyo ay nasa ilalm ng job orders, contracts of services, consultancy o service contracts.

Facebook Comments