Palawan – Iimbestigahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kaso ng isang maliiit na eroplano na nag-crashed sa baybayin ng Sitio Landing, Barangay New Agutaya sa bayan ng San Vicente sa northern Palawan kahapon.
Aalamin din ng Aircraft Accident Investigation Board ng CAAP kung human error o mechanical failure ang sanhi ng aksidente, dahil wala naman weather disturbance ng maganap ang aksidente.
Ang light aircraft ay chartered para mag-transport o magluwas ng live fish sa Sangley Point, Cavite, kalilipad pa lamang mula sa San Vicente Airport nang maganap ang aksidente bandang 1:30 pm kahapon araw ng linggo.
Nakaligtas naman sa trahedya ang mga piloto ng eroplano na isang Malaysian national na kinilalang si Harinalan Muniandy at British national Max Edward Harvey.
Sila ay nasagip sampung metro mula sa baybayin ng long beach ng team mula sa Rescue 165 first responders at mga tauhan ng Philippine Marines-Marine Battalion Landing Team-12.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Bill Pasia, commanding officer ng MBLT-12, ang mga biktima na nagtamo lamang ng minor injuries ay mabilis na isinugod sa rural health unit ng San Vicente.