Hamon ni Philippine National Police (PNP) OIC PLt. Gen. Vicente Danao Jr., sa mga human rights groups na samahan ang kanyang mga tauhan sa mga ikakasang anti-illegal drug operations.
Ginawa ni Danao ang pahayag dahil sa mga alegasyon na may pang-aabuso sa kanilang operasyon.
Giit ng Danao, welcome ang mga human rights groups na sumama sa kanilang operasyon dahil wala naman itinatago ang PNP.
Gusto rin daw nitong matigil ang isyu na may paglabag sa karapatang pantao.
Dinipensa ni Danao na sa war on drugs ng gobyerno, kailangang protektahan ng mga pulis ang kanilang mga sarili laban sa mga nanlalabang kriminal.
Umalma rin si Danao na hindi napapansin ng human rights groups ang mga nasawing pulis sa operasyon sa halip tumututok sa mga kriminal na nasawi sa war on drugs.
Aniya, napaka unfair para sa PNP na kwestiyunin ang kanilang war on drugs at hindi nakikita ang sakripisyo ng mga awtoridad na umabot sa punto na pati buhay ay kanilang inalay.
Ayon pa kay Danao, nasa 800 na mga pulis na ang nasawi sa kanilang anti-illegal drug operations.