Binuksan na sa Department of Justice (DOJ) ang Human Rights Office (HRO) at Gender and Development Special Protection Office (GSPO).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, napapanahon ang pagkakaroon ng nasabing tanggapan na natapat rin sa selebrasyon ng National Human Rights Consciousness Week.
Sinabi pa ni Remulla, 20 taon na ang National Human Rights Week na idinaraos mula Disyembre 4 hanggang 10 pero ngayon lamang naitatag ang dalawang tanggapan.
Dagdag pa ng kalihim, mula ng magsimula siyang manungkulan bilang Justice Secretary ay marami nang pagbabago ang naipatupad mula sa polisiya at programa sa DOJ na aangkop sa karapatan pantao.
Kabilang na rito ang mga ipinatupad na department circular na nagpapababa ng piyansa, mandatory autopsy ng mga biktimang kaduda-duda at marahas ang pagkamatay, automatic dismissal mga kaso na nasa first level courts na walang katiyakan ang conviction at pagpapalakas ng kaso dahil sa maigting na kooperasyon at koordinasyon.