HUMAN RIGHTS VICTIM | Reparation pay para sa mga biktima ng human rights noong Marcos regime, pinalalawig

Manila, Philippines – Pinalalawig pa ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang kumpensasyon para sa mga biktima ng human rights violations noong panahon ng rehimeng Marcos.

Sa House Joint Resolution 24 na inihain ng kongresista, inaamyendahan ang Republic Act 10368 o Human Rights Victims Claims Board.

Layon ng resolusyon na palawigin hanggang sa December 2019 ang validity at availability ng pondo sa Land Bank of the Philippines para sa mga naging biktima ng karapatang pantao.


Pinabibigyan din ng otorisasyon ang Commission on Human Rights na ituloy ang distribusyon ng pondo.

Sa ilalim ng Human Rights Victims Claims Board o HRVC ay mayroong P10 Billion na inilaan bilang pambayad sa reparation ng mga biktima na sinala ng board.

Pero ito ay nag-expire na noong May 12, 2018 at malaking bilang pa ng mga Marcos human rights victims ang hindi pa nabibigyan ng reparation.

May balanse pa ang reparation sa Landbank ng halos P793 Million na ime-maintain na lamang hanggang August 11, 2018 bago ibalik sa National Treasury.

Nasa 11,103 na lehitimong claimants lamang ang naiproseso ang reparation pay hanggang May 11 mula sa kabuuang 75,000 na aplikante.

Facebook Comments