Manila, Philippines – Hinamon ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamahalaan na resolbahin kaagad ang dumaraming kaso ng human rights violation sa bansa.
Ito ang reaksyon ni CHR Spokesperson Jacquelin De Guia matapos makakuha ang Pilipinas ng puwesto sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Ayon kay De Guia, lalong dapat ipakita ngayon ng pamahalaan na buo ang kredibilidad ng bansa para isulong ang mga isyu kaugnay ng human rights.
Masaya naman ang CHR at nakakuha ang bansa ng puwesto sa UNHRC pero ang ibig sabihin nito sabi ni De Guia ay dapat maging tapat ang pamahalaan sa mga kaakibat nitong responsibilidad.
Nauna rito ay binatikos ng human rights watch ang pagkakasama ng Pilipinas UNHRC.
Ito ay kaugnay ng umano ay pagpatay ng mga tauhan ng pamahalaan sa 4,200 drug suspect bilang bahagi ng war on drugs ng pamahalaan.
Sa naganap na botohan sa United Nations, ang Pilipinas ay nakakuha ng 165 votes mula sa kabuuang 192.