Tuesday, February 24, 2026

Human trafficking, mahigpit na babantayan ng pamunuan ng PITX bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero sa Holy Week

Tiniyak ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na mahigpit nilang babantayan ang mga bibiyahe ngayong Semana Santa.

Sa eksklusibong panayam ng DZXL News kay Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations Head ng PITX, sinabi nitong bukod sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ay binabantayan din nila ang mga posibleng biktima ng human trafficking na maaaring bumiyahe.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice para matugunan ang naturang isyu.

Ayon kay Salvador, nagagamit na rin umano ang mga bus na bumibiyahe palabas at papasok ng Metro Manila upang maipuslit ang mga Pilipinong na-recruit para iligal na magtrabaho sa ibang bansa.

Samantala, puspusan na rin ang paghahanda ng PITX para sa Oplan Biyaheng Ayos 2026 katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga grupo upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga pasahero.

Facebook Comments