Ibinulgar ni Senator Grace Poe sa Senado ang isang panibagong kaso ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa privilege speech ni Poe, nakarating sa kanyang opisina na nakatanggap ng anonymous tip nito lamang Lunes, Pebrero 13, ang PNP Aviation Security Group tungkol sa umano’y human trafficking activity na kinasangkutan ng isang private aircraft na paalis ng gabing iyon pa-Dubai.
Batay pa sa impormasyong nakalap, anim lang ang pasaherong nakadeklara pero nasa 14 pala ang pasakay sa eroplano ng gabing yon.
Ang naturang aircraft ay ino-operate ng Cloud Nine no. 1 Leasing Company Limited na isang Hong Kong registered leasing company at ang assigned aircraft ground handler ay isang local company na Globan Aviation Service Corporation o GLOBAN.
Sinabi ni Poe na bukod sa anim na pasaherong lulan ng eroplano, may walong dumating na “Asian looking nationals” pero hindi natuloy ang pagsakay ng aircraft nang mapansing kumukuha ng video ang inspector subalit may tatlong ‘unauthorized individuals’ ang nakahabol sa pagsakay na sumabay sa biglang pagsara ng pintuan ng aircraft.
Sa kabila ng pagpigil ng mga aircraft inspectors at PNP-ASG ay tuluyan pa ring nakasakay sa eroplano ang mga pasahero kahit ang ilan sa mga ito ay walang kaukulang clearance para makaalis.
Giit ni Poe, malinaw na may paglabag sa umiiral na policies at procedures ng mga airport agencies dahil nagawang mailusot sa mahigpit na proseso ng paliparan ang mga pasaherong walang kaukulang dokumento.