Siyam na Search, Rescue, and Retrieval (SRR) teams mula sa 2nd Infantry Division (2ID) at lima mula sa Joint Task Force National Capital Region (JTF-NCR) ang ideneploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa nagpapatuloy na Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) operations para sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lalawigan.
Ayon kay AFP PIO Chief Col. Xerxes Trinidad, kabilang ang 525th Engineer “Forerunner” Battalion ng Urban Search and Rescue (USAR) teams na binubuo ng 52 personnel ang agad na rumesponde at naglikas ng mga apektado ng malawakang pagbaha sa National Caital Region (NCR).
Ang nasabing team kasama ang apat na military trucks at apat na rubber boats ay puspusan sa pagsasagawa nila ng rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng kalakhang Maynila.
Samantala nagsagawa rin ang Philippine Air Force (PAF) ng rescue and relief operations sa Pasay City.
Nasagip ng kanilang 505th Search and Rescue Group ang nasa 100 residente ng Pasay na apektado ng pagbaha.
Mayroon ding 8 teams na binubuo ng 11 officers at 46 enlisted personnel mula sa Philippine Navy ang patuloy na nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief operations sa San Juan, Manila, Pasig, at Mandaluyong.
Kasunod nito, tiniyak ng AFP na nakahanda ang kanilang buong pwersa na umagapay sa mamamayan sa oras ng kalamidad, sakuna o anumang emergency.