Aabot sa halos 178,000 ang bakanteng trabaho sa gobyerno.
Batay sa isinumiteng 2022 budget documents sa Kongreso, sa 1.899 million na permanenteng posisyon sa pamahalaan, 1.721 million dito ay okupado na habang ang natitirang 177,994 pwesto ay bakante pa.
Sa mga bakanteng posisyon na ito, hindi pa kasama rito ang mga bakanteng trabaho sa Local Government Units (LGUs) sa buong bansa.
Umapela si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na punan na sa lalong madaling panahon ang mga bakanteng trabaho sa pamahalaan.
Ang gobyerno aniya ang biggest employer na pwedeng makaresolba sa problema sa unemployment ng bansa.
Punto pa ng kongresista, may pondong inilalaan ang Kongreso kada taon kahit sa mga “unfilled positions” kaya naman may kakayahan ang mga ahensya ng gobyerno na mag-hire ng personnel para punan ang mga bakanteng posisyon.
Dagdag dito ay pinapatigil din ng kongresista ang mga tanggapan sa nakasanayan na hindi pagre-recruit ng mga dagdag na personnel para makatipid sa pondo.