Tinatayang aabot sa halos isang bilyong piso ang nagagastos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa ayuda ng mga displaced Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa virtual hearing ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na higit P738 million na ang kanilang kabuuang gastos hanggang nitong Mayo 27.
Ito ay gastos para sa pagkain, lodging at pamasahe sa pag-uwi sa mga probinsya ng mga OFWs.
Sa nasabing pondo, P606.9 million ang nailaan para sa accommodation ng mga repatriated OFWs.
Aabot naman sa P93.8 million ang ginastos ng OWWA para sa pagkain, P19.7 million para sa miscellaneous at P17.3 million naman sa transportation ng mga repatriated OFWs.
Sinabi ni Cacdac na P153.5 million sa kanilang kabuuang gastos ay mula sa kanilang 2020 budget habang ang P583.4 million naman ay mula sa OWWA funds.