Manila, Philippines – Humiling ng patas na pagtrato sa publiko at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ito ay kasunod ng sunod-sunod na reklamo sa mga TNVS driver sa social media dahil sa umano ay pagkansela nila sa ilang bookings o mga biyahe.
Sa pulong ng LTFRB at TNVS sector, ibinahagi ng mga driver na maging sila ay nakaka-engkwentro rin ng mga pasaway na pasahero.
Bukod rito, inireklamo rin ng mga driver ang pagtago sa kanila ng Grab sa destinasyon ng kanilang pasahero bago nila tanggapin ang booking.
Ayon kay Arnel Caluya, miyembro ng TNVS sector, maaari kasing iba ang distansiya ng biyaheng ipapakita sa application sa rutang ituturo ng mga navigation application.
Pero ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, mainam na bigyan muna ng pagkakataon ang bagong hakbang ng Grab.
Tiniyak naman ng LTFRB na pag-aaralan din nila na magkaroon ng “cleaning fee” na sisingilin sa mga rider para sa mga insidente na nadudumihan ang mga sasakyan.
Inaayos na rin ng ahensiya na magkaroon ng security protocol ang mga TNVS sakaling malagay sila sa alanganin.