HUMIRIT | Kampo ni Speaker Alvarez, nagpahayag na gustong maging minorya sa Kamara

Manila, Philippines – Nagpahayag na ng intensyon ang grupo ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na sila ang gawing minority bloc sa Kamara.

Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, nakipag-usap na si dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas kay Speaker Gloria Arroyo kung saan nais nitong siya na ang italagang minority leader.

Lumalabas na kapalit ng smooth transition ng house leadership at para wala na ring gulo ay ang kampo ni Alvarez ang gawing minorya sa Kamara.


Aabot sa 25 kongresista ang nasa panig pa nina Alvarez at Fariñas.

Sakali namang hindi tanggapin ng mga kongresista ang suhestyon ng kampo ni Alvarez ay ipipilit ni Suarez na ilaban ang kanyang posisyon na mapanatili bilang Minority Leader.

Ito ay kahit pa bumoto siya pabor sa pagiging Speaker ni CGMA.

Samantala, ilan pang kongresista ang nagpahayag ng pagnanais na maging Minority Leader.

Ito ay sina Marikina Representative Miro Quimbo at Albay Representative Edcel Lagman na kapwa taga Liberal Party.

Facebook Comments