Hindi nagpatinag at tuloy ang grupong ito sa kanilang island hopping sa Hundred Islands National Park sa Alaminos City sa kabila ng nararanasang pag-uulan dulot ng bagyong Danas at umiiral na habagat.
Ayon sa ilang turista, hindi na daw nila maaaring kanselahin ang napag-usapan na pagbisita dahil galing umano sila sa ibang probinsya.
Habang ang iba sa mga bisita, hindi na muna itinuloy ang iskedyul ng kanilang island hopping dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ayon sa tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi muna pinahihintulutan ang mga maliliit na sasakyan o bangka na pumalaot ngunit maaari pa rin makapag-island hopping gamit ang mga medium, large at deluxe size na bangka.
Aktibo rin ang koordinasyon at ng Philippine Coast Guard at Barangay Disaster Response maging ang asosasyon ng mga mangingisda sa lungsod para sa kahandaan at pagbibigay ng abiso kung sakaling mas lumala ang nararanasan na sama ng panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









